Dama Mo Ba Ang Kapaskuhan?

Christmas Lights

Christmas decor sa Ayala Fairview Terraces

Ilang araw na lang at Pasko na pala. Nagsimula na nung isang linggo ang Simbang Gabi. Bakasyon na ng maraming mga estudyante. Marami-rami na rin ang mga nangangaroling na bata, pati na mga dalaga at binata sa labas ng mga tahanan. Kaliwa’t kanan din ang mga pagtitipon sa pagitan ng mga magkakatrabaho, magkakapamilya pati mga magkakaibigan. Ang tanong ko ngayon ay, nararamdaman mo na ba ang Pasko sa lagay na iyan?

Simpleng tanong iyan pero simple rin ba ang mabibigay mong sagot? Sa ngayon, nararamdaman mo na ba ang tradisyong taun-taong pinagdiriwang ng bilyun-bilyong tao sa buong mundo? Nadarama mo ba ang kaligayahan sa paligid na dulot ng pagbibigayan ng regalo, pag-awit ng mga masasayang awiting pang-Pasko, pagbati ng mga mahal sa buhay at pagsasalu-salo ng oras at pagkain kasama nila? Kung oo ang sagot mo, masaya ako para sa’yo. Ako kasi, hindi pa gaano.

Pinakapaborito ko noon ang panahon ng Kapaskuhan. Bakit naman hindi? Bukod sa masaya nating inaalala ang kapanganakan ni Kristo ay maraming pagdiriwang kasama ng pamilya at mga kaibigan. Bata pa man ako ay tuwang-tuwa na ako sa tuwing naririnig ko ang mga himig pang-Pasko sa radyo kahit hindi pa Disyembre. Kahit na may pasok sa eskwela ay gumigising ako ng maaga noon para magdiwang ng misa tuwing Simbang Gabi, at syempre, humagilap ng mga kaibigang maisasama sa pangangaroling kinagabihan. Natutuwa ako sa mga Christmas Party at iba pang pakulong pang-Pasko sa school. Inaabangan ko kung ano ang ihahanda sa Noche Buena. Sa totoo lang, pakiramdam ko noon ang saya-saya lahat ng tao. Haha. Noong mas tumanda na ako ng kaunti, mas inaabangan ko na ang mga reunion kasama ng mga kamag-anak namin. Natutuwa akong makibalita sa aking mga pinsan na hindi ko madalas nakikita. Paminsan-minsan din ay bumibisita kami sa probinsiya ng Ilocos Sur para bisitahin ang mga kamag-anak namin doon. Syempre, hindi rin nawawala ang pakikipagkita ko sa mga malalapit at mabubuting kaibigan sa tuwing darating ang panahong ito. Mininsan na lang din kasi kami magkasama ng matagal-tagal talaga. Bukod sa mga iyan ay marami-rami pa ang nagagawa ko sa mahabang panahon ng bakasyon. Free time e!

Pero nag-iba na ang dating sa akin ng Kapaskuhan. Sabihin na nating mas naintindihan ko na ang mga bagay-bagay tungkol sa pagdiriwang nito. Idagdag pa ang tipong walang hanggang paggastos ng mga tao. Bili rito, bili roon. Regalo rito, regalo doon. Handa rito, handa roon. Tingin ko’y damang-dama mo ito lalo na kung malaki-laki na ang nagagastos mo. Haha. Kapaskuhan din ang panahon ng matindi-tinding traffic sa mga lansangan. Natitiyak kong nabiktima ka na nito lalo na kung nakatira o naghahanap-buhay ka sa Metro Manila. Kung hindi mahaba ang pasensya mo, umaga pa lang masisira na ang araw mo.

Ang problema ng mga tao pag Pasko, ang dami-daming inaasikaso. Kung marami na tayong inaasikaso tuwing ordinaryong araw, mas marami tuwing sasapit ang panahong ito. Kung iisiping mabuti, hindi talaga sa dami ng mga gawain ang problema. Nasa sa atin. Bakit natin hahayaang matabunan tayo ng maraming gawain kung kaya nating bawasan ang mga ito sa simula pa lang? Halimbawa, imbes na makisiksik sa pagbili ng regalo tuwing darating ang buwan ng Disyembre ay umisip at bumili na ng mga ito ilang buwan bago pa sumapit ang Kapaskuhan.

Isa pang problema sa atin, gusto nating puntahan lahat ng Christmas Party. Kung pupwede sana, bakit hindi natin puntahan lahat? Pero kung hindi maaari lalo na kung kapos ka na sa pera at may iba ka pang dapat gawin at atupagin, ayos lang na magpaalam na hindi makapupunta. Sa panahong ito, pinakamaiging ipakita ang ating maturity at pag-intindi sa sarili (pati na rin sa kapwa syempre).

Isa pa sa mga nakikita kong problema natin ngayong Pasko ay hindi tayo marunong mag-enjoy. Bago pa man kasi natin gawin ang mga dapat nating gawin, reklamo agad tayo. Hindi pa nga naiintindihan ang sinasabi sa atin, sumasagot agad tayo. Nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng gawain, iba na agad ang iniisip natin. Hindi ba pwedeng focus lang sa kung anong ginagawa sa harap natin mismo?

Ito ang gawin mo. Pag hindi ka na abala (ngayon siguro dahil binabasa mo ito, haha), isipin mo kung para saan ba at ginagawa natin ang ating mga ginagawa ngayon. Bakit tayo nagdiriwang tuwing Pasko? Bakit tayo nagsasalu-salo? Bakit tayo nakikipagkita sa mga kapamilya at mga kaibigan? Sa punto kasi na maalala mo kung bakit mo ito ginagawa, ngingiti ka nang tunay at matutuwa. Mararamdaman mo na uli ang diwa ng Kapaskuhan.

Maniwala ka.

image

Isaw at Laman

Isa sa mga pinakainaabangan kong kainin tuwing Miyerkules o Sabado ng hapon ay ang masarap na isaw at laman ng baboy na malapit sa pinapasukan namin ng isang mabuting kaibigan. Bakit ba napakahilig nating mga Pinoy sa mga pagkaing nabibili sa kalsada? Ang sabi nila, dahil daw sa talagang kakaiba nitong sarap. Mapamayaman, mapa-middle class at mapamahirap ay natatakam sa simple’t mura pero masarap na pagkaing Pinoy na tinatawag nating street food.

Ano ang street food?

Madaling saguting yan sapagkat sa pangalan pa lang ay may ideya na tayo kung ano ito. Street food ang tawag sa mga pagkaing nabibili sa kalsada o iba pang pampublikong lugar tulad ng palengke. Alam mo ba, ayon sa Food and Agriculture Organization of the United Nations, halos 2.5 bilyong tao katao ang kumakain ng street food bawat araw? Sa atin dito sa Pilipinas, ang ibang tao’y kumakain ng street food pang-meryenda, habang ang iba’y ginagawa na rin itong ulam sa kanin tuwing tanghali o gabi. May ibang medyo nagtitipid kaya ginagawa na itong pantawid-gutom habang ang iba’y gusto lamang matikman ang kakaibang sarap na nabibigay nito. Anuman ang sabihin ng mga tao tungkol sa pagkain ng street food, di maitatatwa na ang talagang nag-uudyok sa ating bumili nito ay ang mura nitong presyo sa kabila ng pagiging talagang masarap nito.

Anu-ano ang alam n’yong mga street food?

Mula pa noong ako’y isang maliit na bata pa lamang ay popular na ang fish balls. Ito lang yata ang street food na parehas pa rin ang presyo ngayon sa presyo nito dati. Biruin mo, sa singkwenta sentimos ay matitikman mo na ang isang pagkaing nabuo mula sapinaghalong arina at kung anong parte ng isda kasama pa ang sarsa o suka? Nandyan din ang kikiam na sinasabi nilang pinaghalong giniling ng baboy at gulay. Naaalala kong mas uso noong dekada-90 ang malalaking kikiam. Ngayon, uso pa rin naman sila pero mas tila mas mabenta ang mga maliit na bersyon nito ngayon. Mayroon ding tinatawag na squid balls. Di hamak na mas masarap ito kaysa sa fish balls at kitang-kita yan sa pagkakaiba ng kanilang presyo nila. Kung may fish balls at squid balls, syempre, mayroon ding chicken balls. Hindi nga lang kasing sarap ng mga nauna ang pagkaing ito.

Paborito ko rin noon ang sorbetes o ang tinatawag na dirty ice cream. Pag naririnig namin ng mga kapatid at mga pinsan ko ang tunog ng maliit na kampana ng sorbetero ay dali-dali kaming manghihingi ng barya sa aming mga magulang at lalabas para bumili. Di rin pahuhuli ang taho, isang matubig-tubig na pagkaing gawa sa soya na hinaluan ng arnibal at maliliit na sago. Popular pa rin ang mga ito hanggang ngayon.

Dati na ring nauso ang tinatawag na kwek-kwek, toknene o tokneneng (itlog ng pugo na binalutan ng arinang kulay kahel). Masarap ito pero sabi nila ay ma-cholesterol. Mas marami raw kasing cholesterol ang itlog ng pugo sa itlog ng manok. Dito sa amin sa Bulacan ay nauso rin ang tinatawag na veggie balls, pero sa pagkakaalam ko’y isang gulay lamang ang ginagamit dito, ang kalabasa, at ito’y hinahaluan ng arina. Masarap ito at maaari na rin nating sabihing masustansiya.

Noong bata ako ay nakagiliwan kong kumain ng banana cue, camote cue at turon. Bakit naman hindi, ang isa sa mga lola ko ay palaging nagluluto ng mga ito sa hapon. Busog na busog kami sa mga pagkaing iyan bawat hapon noon.

 

Ang mais din ay mabentang pagkain sa kalsada noon hanggang ngayon. Pero ang talagang paborito ko ay yung tinanggal na mais na nakababad sa sabaw nito’t may halong butter at cheese powder. Iniisip ko pa lamang ay talagang natatakam na ako.

Noong nag-kolehiyo ako ay nauso naman ang pagbi-benta ng calamares. Napakasarap nito sapagkat ang pira-pirasong pusit ay binubudbod sa arina na may halong panlasa at ipiniprito sa kumukulong mantika. Mapapatakam ka lalo sa suka na ginagawang sawsawan rito.

Pag dumating ang gabi’y mabenta ang balot at penoy. Balot ang tawag sa nilagang itlog ng itik na naglalaman ng sisiw na 18 araw ang gulang. Penoy naman ang tawag sa nilagang itlog ng itik na hindi nabuo ang sisiw. Nahilig din ako sa mga pagkaing ito noon lalo’t madalas nag-uuwi ang mga magulang naming nito pagkagaling sa trabaho, pero ngayon ay minsan na lamang kami bumili. Kung interesado kayong malaman ang iba pang detalye sa dalawang pagkain na ito’y basahin ninyo ito.

 

Hindi syempre pahuhuli ang kasalukuyang kinagigiliwan namin ng kaibigan ko na barbecue na binibenta sa mga kalsada. Nandyan ang isaw manok, isaw baboy, balunbalunan, betamax (dugo ng manok), tenga, adidas (paa ng manok) at ang malinamnam na laman. Masarap man ang mga ‘yan pag naririnig mo pa lang ang kanilang mga madugong pangalan, ang totoo’y di pare-parehas ang kanilang lasa. Nasa paghahanda ng mga tindero’t-tindera ang magiging resulta ng kasarapan nila. Maswerte kami ng kaibigan ko dahil masasarap ang tinitinda sa aming mga barbecue ng mga tinderong binibilhan namin.

Ilan pa sa nakikita natin sa ngayong pagkaing inilalako sa kalsada ay ang masarap na mani (kung saan daw ako pinaglihi); malamig at matamis na ice candy na kinahiligan din naming gawin at ibenta noon (may mga bata naman na talagang bumibili, hehe); ice scramble, ang pink na yelong ginadgad at hinaluan ng gatas at chocolate syrup; samalamig, matamis na inuming hinahaluan ng sago’t gulaman na naging kontrobersyal ilang taon na ang nakararaan dahil sa ginagamitan daw ito ng magic sugar (na umano’y nakaka-cancer); maruya, mga saging na hinaluan ng arina bago iprito; at mangga at singkamas na binibenta sa kalsada na hinahaluan ng bagoong. Ahm, nakakatakam!

May iba pa ba kayong alam na street food?

Pag-iingat sa pagkain ng mga street food

Hindi masamang kumain ng pagkain na nabibili sa kalsada. Pagkain ang mga ito na pwedeng pampatawid-gutom anumang oras. Kailangan nga lamang nating tandaan ang pag-iingat palagi sa pagkain ng mga ito sapagkat isa sa pinakaniri-reklamo sa mga street food ay ang kanilang pagiging marumi.

Ilang beses nang naglabas ng babala ang iba’t-ibang kagawaran tulad ng Kagawaran ng Kalusugan at Kagawaran ng Agham at Teknolohiya tungkol sa pagkain ng mga street food. Sinasabi nilang maaaring magdulot ng iba’t-ibang sakit ang pagkain nitotulad ng hepatitis, gastroenteritis at typhoid fever.

Para sa akin, walang masamang kumain ng mga street food basta alam nating malinis itong naihahanda at sapat ang pagkakaluto nito. Paano ba natin matitiyak na malinis nga ang paghahanda sa mga ito? Ang sabi ng gobyerno, basta ang tindero’t tindera ay may lisensya sa pagbibenta, tiyak na malinis ang pagkakagawa sa mga ito. Pero paano kung hindi sila lisensyado, tulad ng libu-libong nagbibenta sa mga kalsada ng buong Pilipinas? Mahirap sagutin yan sapagkat di naman natin nakikita kung paano nila hinahanda ang mga binibenta nila. Isang basehan na lamang ng iba’y pag marami ang bumibili at matagal-tagal na ang nagtitinda ng mga street food ay pasado na ito. Pero opinyon lang iyan. Maaari n’yong sunduin, maaari ring hindi.

Kung tutuusin, isa rin palang pakikipagsapalaran ang pagbili at pagkain ng mga street food. Iisipin mo ang sarap na maaaring madulot ng pagkain nito kahit na di mo talaga tiyak kung sarap lang ba o pati sakit ang maidudulot nito sa’yo. Gayunpaman, ang sabi ng iba, kung nais mong makipagsapalaran ay lubus-lubusin mo na. Hindi mo naman malalaman kung hindi mo talaga susubukan, hindi ba?