Missing blogging!

Ang aking Instagram account :)

Ang aking Instagram account :)

Higit isang buwan na rin mula nung huli akong nakapaglabas ng post dito sa aking blog. Ako’y humihingi ng tawad kung may mga taong nag-aabang sa mga sasabihin ko tungkol sa kung anu-anong mga bagay. Marami lamang kasi akong pinagkakaabalahan sa nakaraang mga buwan. Nariyan ang personal na buhay, trabaho pati na ang kinagigiliwan kong tunay sa kasalukuyan, ang pagkuha ng mga litrato at pagpapakita nito sa Instagram (ang aking account sa Instagram ay @karl_olivier). Pero, ganun pa man, ay nangangako akong hindi bibitawan ang blog kong ito sapagkat marami ang nagpapasalamat sa mga nauna ko nang naiposteng blog post dahil sila ay may mga natututunan kahit papaano sa mga sinusulat ko.

Hindi ako nagba-blog ngayon para lamang humingi ng paumanhin dahil sa matagal na pagkakawala. Ating pasadahan ang mga maiiinit na isyu na ating kinakaharap nitong mga nagdaang linggo.

PROBLEMA SA IGLESIA NI CRISTO (INC)

INC Celebration (photo courtesy of Philippine Star)

INC Celebration (photo courtesy of Philippine Star)

Marahil, ang pinakapopular na relihiyong itinatag dito sa Pilipinas (paalala: itinatag o founded sa Ingles) sa kasalukuyan ay ang Iglesia ni Cristo. Wala man sa kalingkingan ng populasyon nila ang dami ng mga Katoliko, Born Again Christians at Muslim sa ating bansa ay hindi maitatangging malaki-laki rin ang impluwensiya nila sa lipunan. Sa katotohan niyan, kadidiriwang lang nila ng kanilang ika-101 taon nitong Hulyo 27, 2015.

Gayunpaman, nababalot ang relihiyong aking nabanggit sa kontrobersiya sa kasalukuyan. Itinawalag ng punong ministro nilang si Eduardo Manalo ang kapatid na si Felix Nathaniel “Angel” Manalo at ang inang si Cristina “Tenny” Manalo matapos maglabas ang dalawang huling nabanggit na nanganganib ang kanilang mga buhay. Hindi pa klaro noong una kung bakit nila ito sinabi ngunit sa paglipas ng mga araw ay lumalabas na internal conflict ang kadahilanan. May nagsasabing hindi umano pabor ang ilan sa mga kapamilya ni Eduardo Manalo kung paano niyang ginagamit ang salapi ng kanilang simbahan. May mga haka-haka rin ang media na may namumuong pagtitiwalag dahil sa mga iregulidad umano sa simbahan. May bali-balita ring maraming ministro ang nawawala o kaya’y nanganganib ang buhay at ito raw ay may kinalaman sa mga nangyayari sa kasalukuyan.

Hindi man natin alam ang katotohan sa mga nangyayari sa kanila, maigi pa ring tayo ay maghintay, magmasid at mag-obserba sa mga susunod na mangyayari sapagkat marami tayong mahihinuhang mga aral sa bagay na ito.

MAR vs JEJOMAR

MAR vs JEJOMAR (photo courtest of spot.ph)

MAR vs JEJOMAR (photo courtest of spot.ph)

Ito naman ang pinakamalaking balitang bumulaga ngayong araw, Hulyo 31, 2015. Nag-anunsyo ng pagkandidato sa pagkapresidente ang dating senador na si Mar Roxas habang nag-anunsyo rin ng kanyang suporta ang katatapos lang na magbigay ng State of the Nation Address na si Noynoy Aquino sa kaalyado.

Nagkibit-balikat lang naman si Jejomar Binay sa balitang ito sapagkat para sa kanya, hindi siya matatalo ni Roxas sa halalan.

Bakit hindi kaya nila tinatanong kung gusto sila ng sambayanan?

Sa totoo lang, WALA AKONG GUSTO SA DALAWANG KANDIDATONG ITO. Si Binay ay pinuputakti ng mga reklamo at kaso ng matinding korupsyon at hindi lang siya kundi ang kanyang ring pamilya tulad na lamang ng kanyang anak na si Junjun Binay na kasalukuyang suspendido sa Makati bilang alkalde. At ito namang si Mar Roxas. Ano ang nagawa niya noong siya ay senador pa? Malaki ang ekspektasyon sa kanya ng mga taong bumoto sa kanya noon pero para namang wala tayong napala. Bakit nga ba uli siya tinawag na Mr. Palengke? Ah, dahil yata sa komersiyal nyang nagpapanalo sa kanya.

Kanino ka kakampi, sa umano’y makapal na matinding corrupt o sa umano’y inutil?

#MMSHAKEDRILL: METRO MANILA “SHAKE” DRILL

MMDA Chairman Francis Tolentino explains what will happen during the July 30 Metro-wide earthquake drill during his visit at the Philippine Daily Inquirer office in Makati City. (Photo courtesy of Rem Zamora)

Ipinapaliwanag ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa opisina ng Philippine Daily Inquirer sa Makati ang magaganap na Metrowide earthquake drill ilang araw bago ang Hulyo 30. (Photo courtesy of Rem Zamora)

Isinagawa sa buong Metro Manila kahapon, Hulyo 31, ang tinatawag na Metrowide Shake Drill bilang paghahanda sakaling tamaan ng lindol ang Metro Manila. Sa pangunguna ng Metro Manila Development Authority (MMDA) pati na iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno ay nagpalaganap sila ng impormasyon sa publiko kung anu-ano ang mga kailangang gawin sakaling dumating nga ang lindol. Habang nangyayari ang lindol, sinasabi nilang gawin ang mga sumusunod: DROP – COVER – HOLD. Nasaan ka man, pag lumindol ay iwasan nang tumayo kung hindi kailangan. Ibaba agad ang sarili at humanap ng matibay na mesa o anumang pwedeng pagtaguan na sa tingin mo’y hindi basta-basta masisira. Hawakan ito hangga’t hindi natatapos ang pagyanig. Pag natapos ang lindol, tsaka lamang tingnan kung ligtas nang lumabas at dumiretso sa evacuation centers.

Maganda ang isinagawang proyektong ito ng gobyerno. Sana lang talaga ay maging handa sila pati na syempre ang mga tao sakaling dumating ang mapeligrosong lindol. Nakakairita lang marinig sa media ang katagang The Big One sa lindol na inaasahang darating sa hinaharap. Baka mamisinform ang mga tao sapagkat hindi lang iisa ang maaaring tumamang lindol sa atin kung may tatama man.

Metro-Quake-Drill-4

Photo courtesy of Philippine Star

Kayo, ano ang opinyon n’yo sa mga isyu nitong nagdaang mga linggo? Tara, ibigay mo ang opinyon mo!

***

Na-miss ko ang pagbablog kaya hindi ko mang intensyong mag-blog ngayong gabi, hindi ko napigilan ang aking sarili! Sarap sa pakiramdam ng nasasabi natin ang opinyon natin sa iba’t-ibang bagay, ano? Kaya pinapangako ko sa sarili ko na bibigyan ng kaukulang oras ang pagbablog kahit na abalang-abala sa iba’t-ibang mga bagay.

Instagrammer

IG pic 4Ang pinakaginagamit kong app sa kasalukuyan ay walang iba kundi ang Instagram. Kung may isa man sa maraming dahilan kung bakit di ako masyadong nakakapagsulat sa blog ko, ang Instagram yun. Haha. Para ring pagba-blog ang Instagram pero ang kaibhan nito, mga larawan ang gamit at mas madalian ang pagbabasa rito. Alamin pa natin ang tungkol sa Instagram sa post kong ito.

Ano ang Instagram?

Instagram_logo

Ang INSTAGRAM ay isang social networking site tulad ng Facebook at Twitter kung saan maaaring magpost ng mga larawan at video ang mga gumagamit nito. Ang pinagkaiba nito sa ibang site o app, tanging mga larawan at video pati na captions ng mga ito ang makikita ng mga gumagamit. Maaari ding gamiting ang IG upang kumilala ng mga tao sa buong mundo na magaganda ang mga likhang mga larawan. Pwede ka ring makilala rito lalo na ng mga taong kaparehas ng mga tema ng larawan na iyong gusto. [Tip: Dito ginagamit ang tinatawag na hashtag (#). Makakakita ang gumagamit (user) ng kapwa niya user na may kaparehas na tema tulad ng #travel. Posibleng mga larawan kung saan nagpunta ang user ang may hastag na #travel at kung sino man ang gustong makakita ng mga lugar na pinupuntahan ng iba, ito ang kanilang gagamitin. Kaya marapat lang na gamitin natin ito ng wasto.] Maaaring buksan ang Instagram sa mga laptop o personal computers (tulad ng larawan sa itaas), pero pinakamagagamit ito sa pamamagitan ng smartphones at tablets na mayroong Apple App Store (halimbawa, iPhone at iPad), Google Play (halimbawa, Samsung Galaxy series) at Windows Phone Store.

Dalawa sa natatanging features ng Instagram ay ang paggamit ng parisukat na hugis (square shape) sa pagpapakita ng larawan o video pati na syempre ang tinatawag na filters kung saan maaaring gamitin ng mga gumagamit para mas mapaganda ang kanilang pictures o bigyang arte ang kanilang videos. Aling filter ang pinakagusto mo? Ako, paiba-iba pero natatangi ang filter na tinatawag na Aden.

IG pic 2

Dahil sa popularidad ng mga photo editing apps tulad ng Snapseed at VSCO ay gumawa na rin ng feature ang Instagram upang makontrol ng users ang key aspects ng photograph editing tulad ng brightness, contrast, warmth, saturation, atbp. na pwedeng magpaganda sa larawan.

Sino ang may pakana ng photo-sharing at video-sharing app na ito?

Nilikha ng mga software engineer na sina Kevin Systrom at Mike Krieger ang Instagram noong October 2010. Madali itong nakilala dat sa ngayo’y umaakit ito ng higit 400 milyong tao sa mundo. Noong Abril 2012 ay binili ni Mark Zuckerberg ng Facebook sa halagang $1 bilyon ang Instagram.

Ano ang napapala ng mga tao sa IG?

IG pic 3

Depende sa atin kung ano ang gusto nating gawin o ipakita sa ating Instagram profile. May mga kakilala ako na panay magagandang larawan ng pagkain ang pinapakita niyang mga larawan. Talagang gaganahan kang kumain sa ganda ng pagkakapresenta niya ng mga larawang ito. Minsan, mga lutong ulam sa bahay ang pinapakita niya pati na ng ibang gumagawa nito, pero minsan din ay kuha mula sa iba’t ibang kainan mula sa iba’t ibang lugar. Kung tutuusin, tinutulungan nila ang mga negosyo ng pagkain kung saan kinuha ang larawang kanilang pinapakita. Mayroon pa akong kakilala na mga selfeet naman niya ang bida sa kanyang IG feed. Ang pagkakaiba, iba’t ibang sapatos sa iba’t- ibang lugar ang kanyang pinipresenta. Sa tagal ko na sa IG, iba’t ibang pamamaraan at presentasyon ang ginagawa ng milyung-milyong tao sa kanilang mga larawan. Pero, mayroon pa rin yung panay selfie nila ang kanilang pinapakita. Hindi ako pabor dito pero hayaan na natin… basta sana hindi palagi. Haha. Mayroon ding kung ano ang gusto nilang ipakita sa pang-araw-araw nilang buhay ang kanilang nilalagay.

Ako naman, noong simula ay iba-iba rin ang pinapakita sa aking Instagram. Halu-halo kung tutuusin, maski naman ngayon, pero mas pinipili ko na ang nilalagay kong mga larawan sa kasalukuyan. Dahil gusto kong gumawa ng sarili kong identity sa IG, mayroong isang buwan noon na pawang mga naipon kong magagandang larawan ang aking pinakita na may kasamang quote. Isang challenge o project ko ito sa sarili. Ang hirap nga lang iayon ng larawan sa kung anong quote na babagay sana rito. Haha. Pero nagawa ko naman ng mahusay. Sa ngayon, madalas ko ng ipakita ang mga lugar na pinuntahan at pinupuntahan ko (lalo na ang aking mga #travel), pati na rin ang aking mga aktibidad tulad ng trabaho bilang isang speech pathologist (#speechtherapy) pati na hobbies tulad ng pagtakbo (#running, #sightseenwhilerunning) at pag-eehersisyo (#gym, #fitness, #health), mga pagkain na natuwa akong kainin (o kahit hindi gaano basta maganda pa ring ipakita, haha, #spotmyfood, #foodph, #yummyph, #forkspoonmanila, #wheninmanila), at marami pang iba. Sa totoo lang, personal ang mga ito sapagkat kung ano ang gusto nating ipakita sa iba ang siyang nilalagay natin dito. Mas nakikilala tayo rito ng ibang tao.

Kasama ng maraming tao ay natutuwa ako sa paggamit ng IG. Bakit ba naman hindi? Tunay na nahahasa ang creativity at lumalawak ang imagination ng mga seryosong gumagamit nito. Nai-inspire ako ng ibang taong nakikilala ko sa pamamagitan nito kaya sa abot ng aking nakakaya ay ginagandahan ko ang nilalalagay kong mga larawan dito. Maarte kung tutuusin. Isang avenue ang Instagram para ipakita ang pagiging malikhain ng mga tao. Dito ko naipapakita ang aking originality kahit na maaaring hango sa isang ideyang aking nahagilap mula sa ibang tao ang parte sa mga gawa kong ito. Para naman kasi sa akin, hindi lang simpleng pagpapakita ng mga larawan ang IG. Para sa akin, PHOTOGRAPHY + ART ang Instagram.

May IG ba kayo? Wag n’yo akong kalimutang i-follow, ha? Ako si @karl_olivier dito. :-)

Salutatorian Speech Controversy

Mainit na mainit pa rin sa kasalukuyan ang isyung lumabas noong Lunes, Marso 23, 2014, tungkol sa speech ni Krisel Mallari, isang high school salutatorian ng isang paaralan sa Quezon City na pinahinto ng mga guro dahil naglalaman ito ng kasiraan laban sa kanila pati na sa paaralang kanilang pinagsisilbihan.

Panoorin ninyo ang video na ito sa baba:

Naganap ang insidente habang graduation ceremonies ng Sto. Niño Parochial School sa Quezon City noong nakaraang Sabado, Marso 21, 2015. Iba ang sinumiteng talumpati ni Krisel sa administrasyon ng paaralan sa ginamit niya sa kanyang speech. Kaya tuwing tumatawid sa usaping pandaraya ang kanyang binabahagi ay kinakausap siya’t pinahihinto ng tila emcee ng programa. Ilang beses itong nangyari hanggang sa hindi na talaga niya natapos ang kanyang gustong sabihin sapagkat pinigilan na siya ng iba pang mga guro na naroon sa harap.

Madaling humusga. Unang reaksyon ng mga nakapanood, may inhustisyang nangyari. Hindi umano sasabihin ni Krisel ang kanyang mga sinabi kung wala talagang nangyaring kababalaghan sa pagpili ng valedictorian ng kanilang paaralan. Inatake ng marami sa mga nakapanood ng video ang paaralan ng Sto. Niño Parochial School (na nagkataong naging paaralan ko mula Kinder hanggang Grade 1) at ang mga guro nito. Kumalat agad ang balita kaya’t naging usap-usapan ito hindi lang  sa Kamaynilaan kundi sa buong bansa. Resulta sa kasalukuyan ng kontrobersiya, binigyan ng memorandum ang nasabing paaralan ng Kagawaran ng Edukasyon upang ipaliwanag ang buong pangyayari. Aalamin ang mga aktwal na sinabi ng bata, ano ang mga hindi pinasabi, pati na ang mga bagay na inungkat tulad ng hindi pagpapakita ng mga grado ng mga estudyante.

Kung panonooring mabuti ang video malalaman mong matatapang ang mga salita ni Krisel pero biktima pa rin kanyang dating sapagkat tila humihingi ng saklolo ang kanyang boses karga-karga ang intyensiong mabigyan ng sagot ang kanyang mga hinaing. May mga pagkakataong tila marahan ang kanyang pagbibigkas ng mga salita at saka na lamang titimo ang bigat ng mga ito pagkanarinig na.

Sa pagtatapos ng video ay tila nakakaawa siyang pinahinto hindi lamang ng iisang guro kundi ng marami pa sa kanila. Hindi n’ya tuloy natapos ang mga gusto niyang sabihin. Sa ating paghahanap sa internet, nakuha ng inyong lingkod ang kabuuan ng kanyang salutatorian speech:

A pleasant morning to my fellow batchmates, to my teachers, guests, welcome to the 13th Commencement Exercises. Sa okasyong ito ay pinipili kong magsiwalat sa wika na aking kinagisnan, ang wikang Filipino o wikang Tagalog. Taong 2004 ng una akong umapak sa silid-aralan ng eskwelahang ito, upang mag-aral. Ngayon, makalipas ang labing isang taon, ay narito ko sa inyong harapan upang ibahagi ang aking karanasan at magbigay-aral. Sa bawat taon na lumipas ay puspusan ang pag-aaral na ginawa ko sa eskwela, naniwala ko sa patas na labanan. Sa pagtatapos ng school year na ito’y isang hakbang nalang ang layo ko sa finish line, ngunit sa pagdating ko rito’y naglaho ang pulang tali na sisimbolo sana sa aking tagumpay, naglaho nga ba o sadyang kinuha? Maraming tao ang nagbulag-bulagan sa isang sistemang marumi at kaduda-duda. Ngunit di ko ito tinuluran, ipinaglaban ko ang sa tingin ko’y tama, nanindigan ako bilang isang Pilipino na palaban at may takot sa Diyos. Chismis, isang piyesta ng chismis ang inabot ko ng pinagmukha nila akong masama. Ganun talaga minsan, pag umayon ka sa kung alin ang tama, ikaw pa ang lumalabas na mali. Di na nga nila pinakinggan ang iyong hinaing, nakuha ka pa nilang laitin. Kung sinasabi niyong wala akong acceptance, marami ako niyan, pero pano kong tatanggapin ang isang bagay na di naaayon sa katotohanan. Para san pa ang aking dedikasyon sa pag-aaral at hustisya kung di ko naman ito ipaglalaban. Sa kabila ng nangyari ay masaya padin ako, tulad nga ng laging sinasabi sa teleseryeng Dream Dad, “Maganda ang buhay”, kaya bakit ako mag-aaksaya ng oras sa kanila kung mas maraming mas kapaki-pakinabang na bagay ang pwede kong gawin. Ngayon ay may piling indibidwal akong gustong pasalamatan, ito yung mga tao na sumuporta sakin sa kabila ng eskandalo na idinulot ng ipaglaban ko kung ano ang sa tingin ko ay tama. Una sa lahat, gusto kong pasalamatan ang Diyos, isa siyang ama, kapatid, kaibigan na naging sandigan ko sa lahat ng pagkakataon, sa hirap at ginhawa. Sa aking ama, dad salamat, salamat kasi ni minsan ay di mo kami sinukuan, salamat kasi naniwala ka sa kakayanan ko, salamat kasi ipinaglaban mo ko kahit pa sumama ang tingin sayo ng iba, salamat kasi ikaw si Ernesto Mallari, ang haligi ng tahanan na nakukuha paring magpatawa kahit alam ko na sa loob niya ay nahihirapan na siya. Sabi nga sa isang pelikula ni Robin Williams, “You are the world’s greatest dad”. Sa aking ina, isang napakalaking thank you, siguro nga’y madalas akong makulitan sa’yo dahil sa madalas mong pangangaral, paulit-ulit nga siguro ang mga sinasabi mo, pero ma, yan ang tunay na dahilan kung bakit the best ka, dahil di ka tumitigil na pangaralan kami pag alam mong naliligaw kami ng landas. Talaga ngang totoo yung kataga na “Mother knows best”. Sa pinakamaganda kong ate, Ate Kat, salamat kasi ikaw ang pinaka nakakaintindi sa mga hilig at pinagdadaanan ko bilang isang babae, ikaw ang aking selfie buddy, church buddy, at shopping buddy na pinagkakatiwalaan ko ng mga sikreto. Sa napakatalino kong kuya, Kuya Kerwin mainitin ang ulo mo, medyo mayabang ka nga siguro, at medyo tamad mag-aral; pero ang di alam ng marami, busilak ang puso mo, salamat kuya, sa pagturo sakin na manindigan pag alam kong ako ang nasa tama. Sa napaka-cute kong kapatid, salamat Kristine, ikaw na siguro ang pinakamatuturing kong tunay na BFF. Julia, Clang, Katrina, Faye, Dane, Nico at sa iba pa, napatunayan niyo sakin na tama ang katagang “quality over quantity”, siguro nga’y di kayo karamihan, pero alam ko na bawat isa sa inyo ay maaasahan at mapagkakatiwalaan ko, kaya salamat! Sa mga teachers na napalapit na sa aking puso, Ma’am Factora, Mam Calanoga, Mam Amil, Mam Garcia, Mam Restor, Mam Castillo, Mam Acacio at Sir Francis, nagsilbi po kayong pangalawang magulang ko, salamat po. At siyempre pa, sa mga taong bumabatikos at nagbibigay ng negatibong komento sa akin, isang napakalaking thank you, kayo ang dahilan kaya’t mas pinagbubuti ko pa ang pag-aaral, tulad nga ng sinabi ng basketbolistang si Dwyane Wade, “My belief is stronger than your doubt”. Panibagong kabanata ang aking haharapin, bilang isang accountancy student sa University of Santo Tomas. Panibagong hamon na nakangiti kong haharapin. At para sa ating lahat mga kapwa ko graduates, ito’y isang mahalagang kabanata kung saan natin gagawin ang pinakamahalagang mga desisyon sa ating buhay. Kaya naman good luck sa inyo, at good luck din para sa kinabukasan ng paaralang ito. Let me finish this in style and say my last words in the vernacular language of the world. I am Krisel Mallari, a Filipino citizen who would rather choose to fail with honor, than win by cheating. Adios!

Sayang. Hindi niya napasalamatan ang bawa’t miyembro ng kanyang pamilya sa harapan ng madla. Hindi na rin niyang nagawang isa-isahin pa ang kanyang mga kaibigang tumulong sa kanyang laban pati na rin mga guro na nagsilbi niyang pangalawang magulang.

Sana sa lalong madaling panahon ay maglabas na ng kanilang panig ng kwento ang paaralan ng Sto. Niño. Maigi rin sanang malaman ang opinyon ng valedictorian ng klase nina Krisel. Hindi patas kung hindi natin maririnig ang kanilang mga saloobin sa pangyayari. Pwede kasing biktima lang din sila. Kung papaano ay malalaman na lamang nating pag malaman natin ang kanilang panig.

Mga Alaala

Sa kabila ng lahat, hanga ako sa tapang at dedikasyong alamin ang katotohan ni Krisel. Isang pangyayari noong ako ay nasa grade school pa lamang ang naalala ko sa pangyayaring ito sapagkat may isa akong kakilala na halos pareho ang ginawa habang graduation nila. Matalino ang taong ito at talagang malakas ang loob sapagkat sinabi niya ang gusto niyang sabihin sa harap ng mismong mga taong kanyang tinutuligsa sa kanyang talumpati. Miminsan lang tayong makasalamuha ng mga taong may talagang matibay ang paninindigan kaya di mo maiiwasang sa kanila ay humanga.

Ang pangyayaring ating pinag-uusapan ay nagpaalala rin sa aking labing-isang (11) taon na ang nakararaan mula ng ako’y tumayo sa harap ng napakaraming tao upang bigkasin naman ang aking valedictory speech. Hindi ko na sasabihing lahat ang mga sinabi ko noon dahil gusto ko lamang sabihing naramdaman kong muli ang mga paghihirap na aking naranasan noon, pagtiyatiyagang ginawa ko pati ng aking buong pamilya at pagpapasalamat na aking hinandog sa aking mga magulang, mga kapatid, mga kaibigan, mga guro at lalung-lalo na sa Diyos na ginawang posible ang lahat. Maligaya ako sapagkat walang salutatorian na kumwestyon sa aking pangunguna sa aming paaralan. Haha, biro lang. Pero sa totoo lang, masasabi kong naging patas ang lahat at talagang pinaghusayan ko makamit lamang ang pinakanatatanging kagustuhan ko noong ako ay nasa mataas na paaralan.

Huling Salita

Noon pa mang panahon namin sa parehong elementary at high school, isa na talagang mainit na usapin ang mga grado at pagkakapwesto sa Top 10, lalo na yung mga nasa itaas ng listahan. Bakit naman hindi? Isang pribilehiyong matawag na pasok ka sa lupon ng mga matatalino sa klase. Kaya hindi maitatangging gugustuhin ng maraming pagbutihin ang pag-aaral at magkaroon ng maraming extra-curricular activities makabilang lamang rito. Nagulat nga lang ako sa mga kwento sa akin noon ng aming bunso na ang mga sumunod na batch ng mag-aaral sa amin ay mas grabe ang kumpetisyon. Isa itong patunay na habang tumatagal ay nagiging grade-conscious masyado ang mga estudyante. Kaya hindi na ako masyadong nagtaka noong lumabas ang isyung pinag-usapan natin dito. Grabe pa rin talaga ang kumpetisyon sa pagitang ng mga mag-aaral, kasama na minsan ang kanilang mga magulang at guro sa paaralan.

Sa totoo lang, hindi natin lubusang masisisi si Krisel sa kanyang ginawa o kaya ang paaralan sa kanilang aksyon habang siya ay nagtatalumpati. Ang namamayagpag na kultura kasi sa maraming eskwelahan ay pataasan ng grado, pagalingan sa pagsagot at paramihan ng mapi-perfect na eksamen. Anong aasahan natin sa mga bata? Syempre, ang pag-uugaling mataas na grado ang pinakamahalaga. Walang masama sa pag-asam ng mataas na grado kung tutuusin. Maganda nga itong motibasyon para pag-igihan ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral. Ngunit may mali rito. Hindi dapat sa grado lamang tayo nakatutok. Dapat tutukan din ang kabutihan ng kalooban at kagandahan ng katauhan. Maiging paghusayan din kung paano makakatulong sa bayan, sa kalikasan at kapwa nating may pangangailangan. Hindi lang naman grado ang mahalaga. Pati na rin ang kung ano ang naisasapuso, naisasaisip at naituturo sa kaluluwa.

Para sa’yo, Krisel

Bilib ako sa’yo at sa ginawa mo. Sana mahanap mo ang kasagutan sa iyong mga katanungan. Sana maging malinaw ang lahat bago ka pa man sumuong sa mas kaabang-abang na aspeto ng iyong buhay, ang college life. Iba ang buhay na iyong dadanasin dito kumpara noong hayskul. Isang hakbang tungo sa tunay na mundo ang iyong gagawin at panalangin ko para sa’yo at sa lahat ng mga magtatapos ngayong taon na makaya ninyo ang hindi ganun kadaling mundo ng kolehiyo. Tatandaan mo ring sa lahat ng ito, hindi lamang grado ang mahalaga. Ngumiti ka sapagkat may pamilya kang nakasuporta sa’yo. Makinig kang mabuti sa kanila. Kumilala ka ng mga tunay na kaibigan sapagkat sila ang tutulong sa’yo sa iyong paglalakbay. Umidolo ka ng mga magagaling na tao, maging ng iyong mga guro, at sundan ang kanilang mga yapak. Patuloy kang magtiyaga at magsipag. At huwag na huwag kalimutang humingi ng tulong at magbigay ng pasasalamat sa Maykapal.

Prediksyon sa Oscars 2015

Panahon na naman kung kailan marami sa mga manonood ng pelikula ay inaabangan ang natatanging awards show sa mundo, ang Academy Awards o mas kilala sa tawag na Oscars. Kaya nandito na naman tayo upang magbitiw n gating mga opinyon sa kung sinu-sino at anu-anong pelikula ang mananalo bukas.

BEST PICTURE

Boyhood_film

Nominado ang mga sumusunod: American Sniper, Birdman (The Unexpected Virtue of Ignorance), Boyhood, The Grand Budapest Hotel, The Imitation Game, Selma, The Theory of Everything at Whiplash)

Napanood ko ang halos lahat ng mga nominadong pelikula para sa Best Picture pero ang tatlong pinakanatatangi para sa akin ay ang Boyhood, Birdman at The Grand Budapest Hotel. Ang bawat isa sa mga yan at kakaiba sa lahat ng mga pelikulang naipalabas na. Matutuwa ka habang sinusubaybayan ang buhay ng isang batang lalaki hanggang sa siya ay magbinata na sa Boyhood. Mapapaisip ka naman sa kakaibang kwento at ending ng Birdman habang matutuwa ka sa halos dalawang oras ng The Grand Budapest Hotel. Sa huli, ang mananaig ay ang Boyhood ni Richard Linklater.

BEST DIRECTOR

Boyhood_film

Ang mga nominado rito ay sina Wes Anderson ng The Grand Budapest Hotel, Alejandro Gonzalez Inarritu para sa Birdman, Richard Linklater para sa Boyhood, Bennett Miller para sa Foxcatcher at Morten Tyldum para sa The Imitation Game. Dahil sa natatangi niyang konsepto at galing sa pagdirihe at pagsulat ng kwentong kanyang naisip, si Richard Linklater ang magwawagi.

BEST ACTOR IN A LEADING ROLE

Theory_of_Everything

Ang mga nominado ay sina Steve Carell ng Foxcatcher, Bradley Cooper ng American Sniper, Benedict Cumberbatch ng The Imitation Game, Michael Keaton ng Birdman at Eddie Redmayne ng The Theory of Everything.

Magagaling ang lahat sa kanilang mga pelikula pero ang pinakamaglalaban dito ay sina Keaton at Redmayne. Isang laos na actor ang ginagampanan ni Keaton habang ang pamosong siyentipiko na si Stephen Hawking naman ang kay Redmayne. Nagpamalas ng kakaibang talento sa pag-arte si Redmayne bilang si Hawking kaya siya ang mananalo rito.

BEST ACTRESS IN A LEADING ROLE

Gone_Girl_Poster

Mga nominado sa Best Actress ay sina Marion Cotillard para sa pelikulang Two Days, One Night; Felicity Jones bilang asawa ni Stephen Hawking sa The Theory of Everything; Julianne Moore bilang isang propesor ng Linguistics na nagkaroon ng Alzheimer’s Disease sa Still Alice; Rosamund Pike bilang isang maybahay na puno ng sikreto sa pelikulang Gone Girl; at Reese Witherspoon sa Wild.

Pinakanagalingan ako kay Rosamund Pike sa Gone Girl kaya siya dapat ang mag-uwi ng tropeo para rito. Marami ang nagsasabing mananalo si Julianne Moore pero mas nagalingan ako sa kanya sa Maps to the Stars kaysa sa Still Alice. Ayos lang kung siya ang manalo o kaya si Jones ng The Theory of Everything.

BEST ACTOR IN A SUPPORTING ROLE

Whiplash_poster
Magagaling ang mga nominado rito: Robert Duvall para sa pelikulang The Judge; Ethan Hawke para sa Boyhood; Edward Norton para sa Birdman; Mark Ruffalo para sa Foxcatcher at J.K. Simmons para sa Whiplash.

Napakanatural ng acting ni Hawke para sa Boyhood habang nagalingan ako kina Norton (para sa Birdman) at Ruffalo (para sa Foxcatcher). Ganunpaman, ang mag-uuwi ng tropeo ay si J.K. Simmons para sa Whiplash.

 BEST ACTRESS IN A SUPPORTING ROLE

Boyhood_film

Mga nominado: Patricia Arquette para sa Boyhood; Laura Dern para sa Wild; Keira Knightley para sa The Imitation Game; Emma Stone para sa Birdman; at Meryl Streep.

Hindi ganun kahigpit ang kompetisyon sa larangang ito. Ang napakanatural na pag-arte ni Patricia Arquette sa Boyhood ang mag-uuwi sa kanya ng panalo.

 BEST WRITING- ORIGINAL SCREENPLAY

The_Grand_Budapest_Hotel_Poster

Mahigpit ang laban sa pagitan ng Birdman, Nightcrawler, Boyhood at The Grand Budapest Hotel pero dahil sa napakamalikhaing pag-iisip nina Wes Anderson at Hugo Guinness ng The Grand Budapest Hotel kaya sila ang mananalo rito. Posible ring manalo si Richard Linklater ng Boyhood pero mas pabor akong manalo sina Anderson.

BEST WRITING- ADAPTED SCREENPLAY

Theory_of_EverythingIbibigay ko ang panalo para sa The Theory of Everything.

BEST ANIMATED FEATURE FILM

Big_Hero_6_(film)_posterHindi ko alam kung bakit natalo ang Big Hero 6 ng How to Train Your Dragon 2 sa Golden Globe Awards pero ang dapat magwagi nito sa Oscars ay walang iba kundi ang Big Hero 6.

BEST CINEMATOGRAPHY

Birdman_posterNakapagtatakang hindi nominado ang pelikulang Interstellar sa kategoryang ito dahil yun ang tingin kong sure winner kung sakaling nominado ito. Pero, dahil hindi ganun ang nangyari, sa pagitan lamang ng Birdman at The Grand Budapest Hotel ang mananalo rito. Ibibigay ko ang parangal sa Birdman.

BEST PRODUCTION DESIGN

Interstellar_film_posterDito mananalo ang Interstellar ni Christopher Nolan.

BEST FILM EDITING

Boyhood_filmBoyhood o The Grand Budapest Hotel ang maaaring mag-uwi ng parangal pero ang tingin kong mananalo ay ang Boyhood.

BEST COSTUME DESIGN

The_Grand_Budapest_Hotel_PosterWalang dudang ibibigay ko ang parangal na ito sa The Grand Budapest Hotel.

BEST MAKEUP AND HAIRSTYLING

GOTG-poster

Nakapagtatakang hindi gaanong nanomina ang isa sa pinakamagandang pelikulang naipalabas noong isang taon, ang The Guardians of the Galaxy. Sila ang mag-uuwi ng parangal na ito.

BEST ORIGINAL SCORE

Interstellar_film_posterMagaling ang musikang ginamit sa The Theory of Everything pero higit na nagalingan ako sa Interstellar.

BEST ORIGINAL SONG

Selma_poster
Walang dudang Glory ng pelikulang, Selma, ang magwawagi rito.

BEST SOUND EDITING

Interstellar_film_posterInterstellar ang magwawagi rito.

BEST SOUND MIXING

Interstellar_film_posterIbibigay ko uli ang parangal sa Interstellar.

BEST VISUAL EFFECTS

X-Men_Days_of_Future_Past_poster
Mahirap magdesisyon para sa kategoryang ito sapagkat ang limang kalahok (Captain America: The Winter Soldier, Dawn of the Planet of the Apes, Guardians of the Galaxy, Interstellar at X-Men: Days of Future Past) ay pawang sobrang galing. Kung may isa akong pipiliin maliban sa Interstellar, X-Men: Days of Future Past pipiliin kong magwawagi.

BEST FOREIGN LANGUAGE FILM

Leviathan_2014_poster
Leviathan, ang drama mula sa Russia ang tingin kong magwawagi ng parangal na ito.

***

Marami ba akong naitama? Tara, panoorin natin ang Oscars bukas at pag-usapan natin ang mga nanalo at natalo!

Fallen 44

Fallen 44 (picture courtesy of ABS-CBN)

Halos isang buwan na mula nang mangyari ang kahindik-hindik na pagpaslang sa magigiting nating mga pulis na miyembro ng Special Action Force (SAF) group sa Maguindanao na binansagan ng media na Mamasapano clash. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin gaanong malinaw kung ano ang mga nangyari noong araw na iyon. Pag-usapan natin ang nangyari at kung ano o sino ang dapat managot sa nakalulungkot na pangyayari.

Ano ang SAF?

SAF

Ayon sa artikulong ito mula sa website ng Philippine National Police, ang PNP Special Action Force (PNP-SAF) ay ang natatanging lupon ng kapulisan na binuo upang kalabanin ang mga terorista, rebelde at organized crime group na naghahasik ng lagim sa bansa. Dahil tinatawag silang rapid deployment force, ginagamit sila upang supilin ang mga masasamang loob saan man at kailan man sa Pilipinas.

Ang vision ng grupo ay ang sumusunod:

“We envision SAF as a highly motivated, highly disciplined and specially trained unit armed with the most modern equipment that technology can provide and working in active partnership with the community living up to the virtues: Maka-Diyos, Maka-Bayan, Maka-Tao at Maka-Kalikasan.”

Ang mission naman nila ay ang sumusunod:

“To conduct special operations as a rapid deployment force in the country specifically in the areas of counter-terrorism, hostage rescue, commando-type unconventional warfare, search and rescue operations and national civil disturbance control in times of calamities, disasters and national emergencies.”

Kailan at bakit sila binuo?

SAFLOGO

Noong dekada 80, maraming grupo ang nais magpabagsak sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos. Ang iilan sa mga ito ay ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na noo’y pinangungunahan ni Nur Misurari at ang Communist Part of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA). Ang kaguluhang ginagawa noon ng mga nasabing grupo ang nagtulak sa Philippine Constabulary (isa sa apat na service commands ng Armed Forces of the Philippines dati bago sila isinama sa PNP) na bumuo ng espesyal na lupon upang supilin ang mga ito. Mayo 12, 1983 nang mabuo ang grupo na sinasabing ideya ng dating AFP Vice Chief of Staff Lieutenant General Fidel V. Ramos (na magiging pangulo noong dekada 90) kasama ng kantang Chief of Operations na si Renato De Villa.

Ano ang ginagawa ng SAF sa Maguindanao ng mga panahong iyon?

Ayon sa ulat na ito ng ABS-CBN, dalawang linggo bago ang Mamasapano Clash ay nakipagpulong diumano ang pangulo ng bansa na si Noynoy Aquino pati na ang noo’y suspended na PNP Chief na si Alan Purisima sa mga opisyal ng SAF (kasama na rito ang dating PNP-SAF Chief Getulio Napenas) tungkol sa operasyon na tinawag nilang Oplan Exodus. Ang operasyong ito ay isa lamang sa mga napakaraming naiplanong operasyon sa mga lumipas na taon upang tugisin ang kilalang teroristang si Zulkifli Abdhir o mas kilala sa bansag na Marwan na maraming taon na ring pinaghahanap sa buong mundo. May mga ulat umano na tinatago ang nasabing terorista ng mga grupong MILF, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (o BIFF, isang pangkat ng MILF na humiwalay sa grupo dahil salungat sila sa kasalukuyang pag-uusap sa pagitan ng gobyerno at MILF) at Abu Sayyaf. Gaya ng nasabi kanina, maraming operasyon na ang naiplano noon ngunit hindi naisagawa o hindi ipinagpatuloy sa maraming kadahilanan. Pero noong Enero ng taong kasalukuyan ay isinagawa ang operasyon upang tugisin si Marwan na nagresulta nga sa pagkakapatay sa 44 na miyembro ng Special Action Force.

Ano ang sinasabing nangyari noong araw na iyon?

Ayon sa balita, 3 pangkat ng SAF ang pumasok sa baryo ng Tukanalipao, sa Maguindanao, Mindanao madaling araw noong Enero 25 upang dakpin ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman. Pinasok umano ng SAF ang bahay kung saan itinuturong naroon si Marwan ngunit dahil sila ay pinaputukan, sila ay lumaban hanggang sa mapatay ang terorista. Hindi umano alam ng MILF at BIFF na may mga SAF sa lugar kaya nang marinig nila ang putukan, sila rin ay nagpaputok ng armas. Ang resulta ay ang tinatawag natin ngayong Mamasapano Clash na dahilan kung bakit nasawi ang 44 na miyembro ng SAF pati na umano’y 350 miyembro ng mga teroristang grupo.

Fallen 44 (courtesy of GMA News)

Sino ang may pananagutan sa mga pangyayari?

noynoy

Inaako ni Napenas ang nangyari, ngunit tama bang siya lang ang umako ng responsibilidad na ito? Hindi ba’t may kasalanan at pananagutan din ang ibang grupo lalo na ang mga sumupil at kumitil sa buhay ng mga miyembro ng SAF? Bakit binibigyan ng proteksyon ng MILF si Marwan, na isang kilalang terorista sa buong mundo? Ibig sabihin ba na ganun ang ginawa (at marahil, patuloy na ginagawa) ay mga terorista rin sila? Kasama rin daw sa operasyon ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Amerika. Ibig sabihin, malaking operasyon talaga ang naganap. Hindi lamang gobyerno ng Pilipinas ang nakakaalam kundi ang makapangyarihang bansa ng Amerika. May pananagutan din ba sila sa pangyayari?

Kung aalamin natin ang mga detalye, sinasabing umabot ng maraming oras ang putukan sa pagitan ng SAF at MILF. Bakit hindi agad nagpatawag ng ceasefire? O kung nagpatawag man ng ceasefire, bakit hindi agad huminto ang mga miyembro ng MILF? Bukod pa diyan, kung ilang oras na palang nakikipagbakbakan ang SAF sa MILF, bakit hindi tumulong ang AFP at iba pang miyembro ng SAF? Ano o sino ang pumigil sa kanila? Hindi naman siguro ganun kalakas ang MILF para katakutan nila o kayabang ang kanilang mga pinuno upang maging kumpiyansa sa ipinadala nilang tatlong pangkat ng SAF. Marami tayong katanungan hanggang ngayon na sana ay mabigyan ng linaw sa madaling panahon lalo na’t galit pa rin tayong mga Pilipino sa nangyari. Pero ang isang pinakanakakapag-init sa damdamin ng mga Pilipino lalo na ang mga kamag-anak ng mga namatayan ay ang paghuhugas ng kamay ng tinuturing na ama ng bansa.

HULING SALITA

Ang pangulo ng Pilipinas ang siyang commander-in-chief kaya dapat ay akuin ng anak nina Ninoy at Cory Aquino ang responsibilidad sa pagkakapatay ng 44 na miyembro ng SAF. Alam niya ang operasyon at may kakayahan sana siya upang pigilan, tulungan o iligtas ang mga pulis natin na nandoon noon sa Mamasapano. Ngunit, ano ang kanyang ginawa? WALA. Maging sa kanyang mga talumpati ay ibinibida niya ang kanyang sarili at pamilya na kung tutuusin ay walang kinalaman sa insidente at kung mayroon man ay napakainsensitibo at walang kaemosyon-emosyon para sa mga namatayan ang dating. Natatandaan n’yo pa ba nung inunan nya ang pagbubukas ng isang car shop kaysa salubungin ang mga bangkay ng mga bayani nating Fallen 44? Doon pa lang ay malalaman mo na kung ano ang karakter ng pangulong ito. Nito lamang nagdaang Miyerkules, Pebrero 18, ay nakipagkita siya sa mga kamag-anak ng Fallen 44. Tsansa na sana niyang bumawi o kaya ipakita man lang sa mga tao ang kanyang pakikidalamhati. Ngunit ano ang bumandila pangkatapos ng pangyayaring iyon? Pagkabastos at pagkahambog  ng pangulong piniling iboto ng nakararaming Pilipino noong 2010. Hindi tuloy nakapagtataka ngayon na maraming grupo ang gustong magpatalsik sa kanya sa pwesto. Sa araw na ito, Pebrero 22, ay inaasahang maraming magpuprotesta laban sa kanya.

Noynoy, hindi kita inaasahang bababa sa pwesto mo lalo na’t ayaw ko ring si Binay ang pumalit sa’yo. Pero sana, pakinggan mo itong payo ko at hindi ng payo ng umano’y corrupt mong kaibigang nangingialam pa rin kahit suspendido na na si Alan Purisima. Tumingin ka sa salamin at pagmasdan mo ng mabuti ang makikita mo. Natatakot ka ba? Oo, dapat matakot ka. Matakot ka sa sarili mo at sa mga pinaggagagawa mo.

Dama Mo Ba Ang Kapaskuhan?

Christmas Lights

Christmas decor sa Ayala Fairview Terraces

Ilang araw na lang at Pasko na pala. Nagsimula na nung isang linggo ang Simbang Gabi. Bakasyon na ng maraming mga estudyante. Marami-rami na rin ang mga nangangaroling na bata, pati na mga dalaga at binata sa labas ng mga tahanan. Kaliwa’t kanan din ang mga pagtitipon sa pagitan ng mga magkakatrabaho, magkakapamilya pati mga magkakaibigan. Ang tanong ko ngayon ay, nararamdaman mo na ba ang Pasko sa lagay na iyan?

Simpleng tanong iyan pero simple rin ba ang mabibigay mong sagot? Sa ngayon, nararamdaman mo na ba ang tradisyong taun-taong pinagdiriwang ng bilyun-bilyong tao sa buong mundo? Nadarama mo ba ang kaligayahan sa paligid na dulot ng pagbibigayan ng regalo, pag-awit ng mga masasayang awiting pang-Pasko, pagbati ng mga mahal sa buhay at pagsasalu-salo ng oras at pagkain kasama nila? Kung oo ang sagot mo, masaya ako para sa’yo. Ako kasi, hindi pa gaano.

Pinakapaborito ko noon ang panahon ng Kapaskuhan. Bakit naman hindi? Bukod sa masaya nating inaalala ang kapanganakan ni Kristo ay maraming pagdiriwang kasama ng pamilya at mga kaibigan. Bata pa man ako ay tuwang-tuwa na ako sa tuwing naririnig ko ang mga himig pang-Pasko sa radyo kahit hindi pa Disyembre. Kahit na may pasok sa eskwela ay gumigising ako ng maaga noon para magdiwang ng misa tuwing Simbang Gabi, at syempre, humagilap ng mga kaibigang maisasama sa pangangaroling kinagabihan. Natutuwa ako sa mga Christmas Party at iba pang pakulong pang-Pasko sa school. Inaabangan ko kung ano ang ihahanda sa Noche Buena. Sa totoo lang, pakiramdam ko noon ang saya-saya lahat ng tao. Haha. Noong mas tumanda na ako ng kaunti, mas inaabangan ko na ang mga reunion kasama ng mga kamag-anak namin. Natutuwa akong makibalita sa aking mga pinsan na hindi ko madalas nakikita. Paminsan-minsan din ay bumibisita kami sa probinsiya ng Ilocos Sur para bisitahin ang mga kamag-anak namin doon. Syempre, hindi rin nawawala ang pakikipagkita ko sa mga malalapit at mabubuting kaibigan sa tuwing darating ang panahong ito. Mininsan na lang din kasi kami magkasama ng matagal-tagal talaga. Bukod sa mga iyan ay marami-rami pa ang nagagawa ko sa mahabang panahon ng bakasyon. Free time e!

Pero nag-iba na ang dating sa akin ng Kapaskuhan. Sabihin na nating mas naintindihan ko na ang mga bagay-bagay tungkol sa pagdiriwang nito. Idagdag pa ang tipong walang hanggang paggastos ng mga tao. Bili rito, bili roon. Regalo rito, regalo doon. Handa rito, handa roon. Tingin ko’y damang-dama mo ito lalo na kung malaki-laki na ang nagagastos mo. Haha. Kapaskuhan din ang panahon ng matindi-tinding traffic sa mga lansangan. Natitiyak kong nabiktima ka na nito lalo na kung nakatira o naghahanap-buhay ka sa Metro Manila. Kung hindi mahaba ang pasensya mo, umaga pa lang masisira na ang araw mo.

Ang problema ng mga tao pag Pasko, ang dami-daming inaasikaso. Kung marami na tayong inaasikaso tuwing ordinaryong araw, mas marami tuwing sasapit ang panahong ito. Kung iisiping mabuti, hindi talaga sa dami ng mga gawain ang problema. Nasa sa atin. Bakit natin hahayaang matabunan tayo ng maraming gawain kung kaya nating bawasan ang mga ito sa simula pa lang? Halimbawa, imbes na makisiksik sa pagbili ng regalo tuwing darating ang buwan ng Disyembre ay umisip at bumili na ng mga ito ilang buwan bago pa sumapit ang Kapaskuhan.

Isa pang problema sa atin, gusto nating puntahan lahat ng Christmas Party. Kung pupwede sana, bakit hindi natin puntahan lahat? Pero kung hindi maaari lalo na kung kapos ka na sa pera at may iba ka pang dapat gawin at atupagin, ayos lang na magpaalam na hindi makapupunta. Sa panahong ito, pinakamaiging ipakita ang ating maturity at pag-intindi sa sarili (pati na rin sa kapwa syempre).

Isa pa sa mga nakikita kong problema natin ngayong Pasko ay hindi tayo marunong mag-enjoy. Bago pa man kasi natin gawin ang mga dapat nating gawin, reklamo agad tayo. Hindi pa nga naiintindihan ang sinasabi sa atin, sumasagot agad tayo. Nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng gawain, iba na agad ang iniisip natin. Hindi ba pwedeng focus lang sa kung anong ginagawa sa harap natin mismo?

Ito ang gawin mo. Pag hindi ka na abala (ngayon siguro dahil binabasa mo ito, haha), isipin mo kung para saan ba at ginagawa natin ang ating mga ginagawa ngayon. Bakit tayo nagdiriwang tuwing Pasko? Bakit tayo nagsasalu-salo? Bakit tayo nakikipagkita sa mga kapamilya at mga kaibigan? Sa punto kasi na maalala mo kung bakit mo ito ginagawa, ngingiti ka nang tunay at matutuwa. Mararamdaman mo na uli ang diwa ng Kapaskuhan.

Maniwala ka.

image

KSPs Be Like

Liker 6

Maraming tao ang natutuwa sa tuwing nila-like ang kung anong pinupost nila sa iba’t-ibang social networking sites tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Likas na siguro sa atin ang ganito: na katuwaan o kagustuhan tayo ng mga tao sa ating paligid. At dahil dito, gagawa at gagawa tayo ng paraan para mas maraming tao pa ang magkagusto sa atin. Pero tama bang ganito ang gawin natin? Ating alamin.

Like 2May mga kakilala ba kayong nagtatawag ng tao para i-like ang mga post nila? Yung tipong magpa-private message (PM) sa inyo para puntahan ang profile picture nila para lamang i-like ninyo? Nabiktima na ako nyan. Kayo rin ba? Haha. Kung hindi pa, siguro, kayo ang nambiktima. Haha, biro lang. Ano ba ang mapapala nila kung sobrang dami ang mag-like sa mga post nila? Ah, mayroon pala. Gaganda ang pakiramdam nila. Tataas kumpiyansa nila sa sarili. Maaaring katuwaan din talaga sila. Yun nga lang, kailangan ba talagang mamilit para gustuhin ka ng mga tao? Hindi ba dapat kusa iyon? Problema sa atin, hindi na natin nakikitang nakakahiya mali na pala ginagawa natin pero ginagawa pa rin natin.

Baka sabihin ninyo, why care? Of course, we should care. Oras natin naaabala kung may mga ganyang message para i-like ang post nila. Pangit sabihing parang desperado ang dating pero ganun na nga, hindi ba? Ang mga tao ngayon, sa dami ng ginagawa, ay parang pribilehiyo na lamang ang pagpunta sa mga social networking sites na mga iyan. Uubusin pa ba natin ang oras natin para sa kung ano lamang? Maaari sana kung parte ng proyekto sa eskwela o kaya sa trabaho pero kung para lamang sa maling paraan ng ikatataas ng tingin sa sarili, ay huwag na lamang. Kung tinatamaan ka na, mabuti yan. Kailangan kasi natin minsan ng paalala lalo na kung di na natin alam na mali na pa la ginagawa natin.

Like 4Ang nakakalungkot, may ibang tipong na-addict na sa mga ito. Sila yung mga tipong maaaring may iba dapat na ginagawa pero dahil nga nasanay na, inuuna pa ang pagbabrowse o pagpu-post sa FB, Twitter o IG. Hoy, mag-aral o magtrabaho kayo! Haha.

Ang mga social networking sites ay hindi talaga para sa lahat. Maraming tao ang sensitibo sa mga ipinuposte ng iba habang ang iba naman ay insensitibo sa mga ipinuposte nila. Ang una ay yung tipong madaling maimpluwensiyahan ng mga nakikita at nababasa nila. Minsan, sila rin yung masyadong emosyonal, na tipong inaakala nilang sila ang pinatatamaan ng mga status update, tweet o IG post ng malalapit nilang kaibigan o kakilala. Siguro dapat ipaalala sa kanilang hindi umiikot ang mundo sa kanila at hindi lahat ng sinasabi ng iba ay tungkol sa kanila. Ilan pa siguro sa nabibilang sa pangkat na ito ay yung mga tipong madaling mainggit sa ibang tao, lalo na sa mga kakilala nila mula pa pagkabata. Mabuti sana kung gamitin nila ito para pagbutihin ang sarili pero minsan ay hindi. Yung ikalawang grupo, yung mga insensitibo, sila yung mga nabubuhay sa mga katagang, “It’s my life.” Wala silang pakialam kung may mga masasagasaan sila sa mga ipupost nila, gaano man ito ka-tacky (Sige, i-search mo kung ano ibig sabihin nyan nang makapagkunsulta ka naman ng diksyunaryo. Hehe.). Sila tuloy yung mga nabibiktima ng hide o unfriend button ng mga mabilis mainis. May mga kakilala rin akong gumagawa niyan. Haha.

Like 3Maiging isipin na hindi naman pare-pareho ang mga tao. Nagkakaiba tayo sa uri ng pamilyang pinanggalingan, sa edukasyong ating tinanggap, sa mga kaibigan at mga kakilala, mga impluwensiya, mga binabasang libro, pahayagan o mga artikulo, mga pinapanood na palabas. Magkakaiba rin tayong mag-isip, kumilos at dumama. May tama yung sinasabi ng iba na hindi talaga maiging kinukumpara ang sarili natin sa iba dahil magkaiba ang ating mga pinanggalingan at magkaiba rin ating mga pinagdaraanan at nararanasan.

May nabasa akong isang post na nagsasabing huwag ibase sa mga like ang iyong self-worth. Tama, hindi ba? Wala sa mga ipinu-post natin kung mabuti ba tayong tao. Wala sa ipinu-post natin kung tama ba mga ginagawa natin. Wala sa mga ipinupost natin ang lahat ng katotohan ng mga nangyayari sa atin. Nagiging ugat tuloy ng inggit at inis kahit na hindi ganun ang intensyon natin, hindi ba? Minsan, lumalabas na paligsahan ang nangyayari. Imbes na i-express natin ang ating sarili sa mga social networking sites na ito e gumagawa tayo ng paraan para ma-impress ang iba. Maganda sana kung pareho nating nagagawa ang mga yun sa tuwing may bago tayong post. Pero kung hindi, ayos lang din naman. Basta wag masyadong dibdibin kung kaunti man o kahit wala pa ang mag-like ng mga iyan. Ang mahalaga, nasabi mo o naipakita mo ang gusto mong ipakita.

Huling Salita

Sa mga naghahanap lagi ng likes, sana maraming mag-like sa mga post ninyo. Gandahan ninyo para di nyo na kailangang pilitin mga tao sa pag-like ng mga ito. Wag sanang umabot sa puntong maging mababaw kayo’t tipong masisira na araw ninyo kung kaunti o walang nag-like sa mga post ninyo, ha? Paalala nga pala. Basta wag mag-hoard ng espasyo sa timeline para naman makita naming yung ibang tao, okay? Baka kasi wala nang nagla-like sa mga pinupost mo ay dahil araw-araw ka na lang nakikita. Magpa-miss ka naman.